Sunday, October 14, 2012

ILAW




Asar na asar ako matapos akong gumising mag aalas kwatro ng hapon, isang miskol mula sa QC. Hay site na naman sa alanganing oras at malamang ay gagabihin ako pag uwi pabalik ng planta nito. Tandang tanda ko Oktubre trese dalawang libo at labing dalawa. Hindi nga ako nagkamali nag aagaw ang liwanag at dilim ng makatapos akong gumawa ng sample sa site.

At habang pauwi ako at sakay ng pang konkretong sasakyan at gabi na ng panahon na iyon ay nagmasid ako sa paligid. At umagaw sa aking paningin ang mga nag kikinangang mga ilaw. Talaga namang aagaw ng pansin ang mga kumikinang na ilaw sa paligid, ilaw ng mga poste, gusali at mga sasakyan. Napa isip tuloy ako sa mga simbolo ng mga nag gagandahang ilaw na mga ito. Paano kung isa akong ilaw mahirap din pala kase bawat ilaw ay may simbolo at bawat ilaw ay may responsibilidad.


" Ako ang pinaka makapangyarihang ilaw dahil sa akin ay napapahinto ko ang mga sasakyan sa kalsada" -pagyayabang ng pulang ilaw.

" Hindi naman ako makakapayag dahil sa akin napapabagal ko ang mga sasakyan dadaan sa aking tapat." -ang pagbibida ni dilaw na ilaw.

" Bakit sa tingin ninyo ba kayo lang ang may kapangyarihan at responsibilidad, dahil sa akin kaya dumadaloy ang mga sasakyan at naiiwasan ang trapiko." -ang hindi nagpapatalong si berdeng ilaw.

" Ako ang pinakamagandang ilaw bukod sa kumikinang na sa gabi ay ako pa ang diwa ng kapaskuhan at diwa ng pagmamahalan at bigayan." -malumanay na pagsasalita ni christmas light.

" Tara at bumalik tayo sa panahon na hindi pa uso ang kuryente at malamang sa akin pa rin kayo lalapit lahat." -pag aangas ng isang apoy sa lampara.

Nakakatuwang isipin na lahat talaga ng ilaw at uri nito ay may kanya kanyang resposibilidad. Hindi nga madaling maging ilaw.

" Anak! gumising kana at magtatanghali na nakatimpla na ako ng iyong kape andiyan sa lamesa at may luto narin na ulam andiyan sa lamesa."

Bigla kong naalala ang mga paalala ng aking ina noong kasalukuyan akong galing libya at tanghali na nagising talaga naman abot abot ang pag aalaga. At dahil doon naisip ko wala pa rin pala kikinang sa isang pagiging ilaw ng tahanan. OO ang ina ang ating ina sila iyong masasabi mong ilaw na pinakamakinang sa mundo, sila yoong ilaw na hindi nauubusan ng responsibilidad.

Sila iyong unang gumabay sa unang hakbang mo sa paglakad, sila iyong taong naging gabay mo sa unang salita na binibigkas ng iyong bibig at sila ang unang taong ipagmamalaki ka sa kabila ng iyong mga nararating. Sila iyong unang nagalak sa iyong pag silang kapalit noon ay halos kalahati ng buhay nila mailabas ka lamang sa mundong ito. Sila ang taong halos lumuwa ang mata sa puyat sa tuwing iiyak ka sa madaling araw at ipagtitimpla ka ng gatas, sila ang unang taong nagpalit ng iyong lampin sa tuwing mababasa ng ihi mo, ang taong unang naging guro at turuan ka ng mabubuting asal. Takbuhan sa tuwing papagalitan ka ng iyong ama o hindi naman kaya ay kapag inaway ka ng iyong kapatid. Sila ang taong unang kakampi sa iyo magtatanggol dahil ang INA ang taong walang hiniling na mapasama ang anak ang tangi nilang gusto ay mapa buti ka sa iyong kinalalagyan.

Talaga nga naman hindi matatawaran ang kabutihan ng isang ina, ang babaeng unang nakatikim ng iyong halik at yakap. Ang babaeng una mong sinabihan noong nagbibinata / nagdadalaga ka na may nagugustuhan ka. Taong una mong iniyakan ng mabigo ka sa pag ibig.  Ang babaeng unang nakipag away sa kapwa ina dahil inaway ka ng klasmeyt mo sa eskwelahan, ang babaeng una mong naging guro. Sila iyong taong una nag paligo sa iyo unang taong nag subo ng pagkain at ang taong unang namplantsa ng iyong damit ang babaeng unang nag ayos ng iyong porma at higit sa lahat ang babaeng nagbigay ng dakila mong buhay ngayon.

Ang pagiging ina ang trabahong wala nga naman day off, walang sweldo at habang buhay daw na propesyon. Isang malaking katotohanan ang kanilang pawis sa pagttrabaho maitaguyod ka lamang sa mga pangarap na gusto mo. At habang sinusulat ko ito naisip ko ang kadakilaan ng aking ina, ang kanilang pagpapawis at halos makuba sa trabaho upang maibigay lamang ang iyong mga pangangailangan sa pang araw araw na buhay.

Sa kabila ng lahat ng mga kabutihang ito at kanilang kabayanihan at ngayon ay nasa estado na ng iyong pamumuhay na gusto marating, marahil ay may sarili kana nga ring buhay pero hindi pa rin natatapos ang kanilang obligasyon sa atin bilang INA. Sa mga nararating natin at sa pagdating ng bawat unos sa ating buhay sa kanila pa rin tayo lumalapit, sa kanila tayo humihingi ng patnubay kung ano bang nararapat. At sa bawat pag lapit natin ay parang kinukurot ang puso nila at hindi tayo matanggihan, isa ngang tunay na kadakilaan.

At sa paglipas ng mga panahon na ito naisip ba natin, ninyo ang mga kadakilaang iyan? Ano nga bang magandang ibalik sa kanila para maiparamdam sa kanila kung gaano sila kahalaga sa buhay natin? At sa mga panahong dumaan kailan ninyo huling nayakap ang inyong INA at sinabihan ng "Ma or Mommy Mahal ko po kayo".  Mga kapatid, kapamilya maikli lang ang panahon, lumilipas at tayong lahat ay kukupas bakit ngayon hindi ka lumapit at yumakap sa kaniya at sabihin mahal mo siya at magpasalamat sa buhay na bigay o tumawag sa iyong INA at kung nasa malayo ka man. Ako ngayon isisigaw ko "ma mahal na mahal ko po kayo at maraming salamat sa lahat.  At kayo nga po ang dakilang ILAW ng tahanan.

Ay teka sa sobrang lipad ng imahinasyon ko sa pagtingin sa mga ilaw hindi ko namalayan nasa planta na ako. Mamaya ay matutulog na naman at baka sa panaginip ay makita ko na ang magiging ilaw ng aking tahanan. Sa uulitin po at maraming salamat sa pagsama sa aking imahinasyon, imahinasyong nagmulat sa atin kung gaano sila kahalaga sa atin, aminin ninyo habang binabasa ito may kirot sa dibdib nyo at malamang na lumigid ang luha ninyo sa mga mapupungay ninyong mata.



Orihinal na Komposisyon ni: Melchor "jhaz" "vollmer" Delos Reyes Escultura.


No comments:

Post a Comment