Sila itong mga taong ligaw,
Doon sa entablado pilit sumisigaw;
Tumunog na kampana ng batingaw,
Sila daw ang maghain sa hapag kainan ng sabaw.
Mga pusturang hindi mo talaga matatawaran,
Baon ay ang pangakong kanilang bibitawan;
Sila na daw ang pag asang mag aahon sa kahirapan,
Animo'y komedyanteng humihingi ng pansin ng karamihan.
Ngunit noong naka-upo na doon sa luklukan,
Talas ng dila ay tuluyan ng kinalimutan;
Lumabo na ang mata at nagbulag bulagan,
Nalipad ng hangin sa entablado ang
tinuran.
Mayroong nagsabi ng doon tayo sa tuwid na daan,
Ang korapsyon ang ating unang lalabanan;
Korapsyong magdadala daw sa atin ng kaunlaran,
Subalit bakit hanggang ngayon lubog sa kahirapan.
Ang sabi ng isa ay kailangan ng sipag at tiyaga,
Sa pamamagitan daw noon makakatikim ng nilaga;
Ngunit paano bubusugin ang kumakalam ng tiyan,
Kung ang lahat ng ito ay kabulaanan lamang.
Hindi nga naman bawal mangarap ang mahirap,
Ang mga kataga hindi ko na mahagilap;
Tila ba andoon na sa taas ng alapaap,
Patuloy pa rin ang mga matang hindi makakurap.
Mayroong isang pulutong na sumasayaw,
Doon sila ay pilit nga naman makikisawsaw;
Animo ay mga lumilipad sa hangin na langaw,
At ang mga atensyon ninyo ay kanilang iaagaw.
Hindi naba magbabago ang mga istilo,
Habang mga tao naman ay tumatalino;
Pumipili na ng nararapat sa trono,
At itatayo doon sa taas ng estado.
Halika kapatid sa amin ikaw ay sumabay,
Sa pulutong namin ay sumamang kumaway;
Mga taong talaga naman ibabalik tanaw,
Kung tawagin sila ay mga taong LIGAW.
Orihinal na Komposisyon ni: Melchor "jhaz" "vollmer" Delos Reyes Escultura.
No comments:
Post a Comment