Tuesday, November 13, 2012

SANAYSAY: KATULONG




Nagmasid, naglakbay ang utak ko sa kung saan habang nakatulala sa mumunting hagdanan. Kahit sarili ko, hindi ko maintindihan hanggang naisip ko matagal na rin pala ako na nangingibang bayan, iba't ibang tao ang nakakasalamuha at iba't ibang karanasan. Samu't saring naririnig na reklamo ng iba't ibang propesyon. May reklamo sa nagliliitang sweldo, sa hirap ng trabaho at bigla ko ng naisip, kung may reklamo kayo ano pa ba ang mga kababayan nating nangingibang bansa para lamang pasukin ang propesyon bilang KATULONG.


Ito ang mga taong lumunok na ng kanilang pride o binaba ang sarili para lamang maka pangibang bansa. Isipin natin kung tayo na malayang nakakalabas ng trabaho ay nagrereklamo, ano pa kaya ang propesyon ng ating mga kababayang ito. Bukod sa mas maliliit na sweldo ay halos nakakulong na lamang sa apat na sulok ng iisang bahay, maswerte ka kung makatagpo ka ng may mga pusong amo. Malas mo kung mala dragon ang amo na halos walang pusong hindi na makatao ang pagtingin sayo at hanggang alipin na lamang ang tingin sa iyo.

"KATULONG" normal na nga lamang sa propesyon na ating mga kababayang umaasa at nakikipag sapalaran sa ibang bansa para lamang maiahon sa kahirapan ang kanilang mga mahal sa buhay, umaasang sa pamamagitan ng propesyong ito ay maiibsan ang sikmurang kumakalam at makatikim ng kahit kaunting kasaganahan sa buhay. Sadyang may kahirapan, sila itong may hawak ng walis sa araw araw, kundi naman kaya ay pangkudkod ng inodoro para linisin sa dumi ng mga burarang amo. Mag alaga ng makukulit at matitigas na ulo ng mga bata at parang robot na kung anong sabihin ng amo ay agaran na lamang susundin, wala naman tayong magagawa doon, dahil alam naman natin iyon ang ating propesyon at pinirmahang kontrata. Sa bente kuwatro oras na inilalagi nila sa malapalasyong bahay ay panalangin na lamang ang kanilang kakampi na sana ay palaging magkaroon ng puso ang kanilang mga amo. Dahil masakit na katotohanan ay may mga abusadong amo na wala ng ginawa kundi abusuhin na nga lamang. At sa mga mumunting litrato sa makabagong teknolohiya ay ang panibagong pag-asa na papawi sa kanilang mga pagod.

"KATULONG" ang mga makabagong mandirigma at makabagong bayani. Kung ang mga mga pulis, sundalo at iba pang mga nagtatrabaho sa sangay ng gobyerno ay may magagandang proyekto para sa kanila katulad ng mga pabahay at ibang benipisyo. Bakit hindi natin bigyan ang mga bagong bayaning ito? Na makatapos ang kanilang malakihang ambag ay kakalimutan na lamang. Bakit kaya hindi rin magkaroon ng mga magagandang proyektong tulad ng sa kanila, upang sa ganoon pa man ay matapos ang mahabang pagpapagod at magkudkod ng inodoro ay tuluyan na nilang makamtam ang tinawag na kasaganahan. Sana sa pagsulat at aking paglathala ng mumunti kong sanaysay na ito ay mamulat sa katotohanan ang ating lipunang salat sa katotohanan kung ano nga bang buhay mayroon ang mga taong nagbibigay ng malakihang ambag sa ating gobyerno.

"KATULONG" taas noo po natin ipagmalaki ang ating propesyon at ni minsan ay huwag natin itong ikahiya. Dahil sa propesyong ito ay naiaahon natin ang ating mga minamahal na naiwan sa pilipinas at hindi lang iyan kundi ang ating bansang pinanggalingan. Ang iba man ay salat sa kaalaman ay taas noo pa rin po tayong lumakad at magmalaki. Isigaw mo "katulong" ako. Pasasaan ba at mararating din natin ang pangarap na gusto nating marating matutupad ang mga pangarap at magkakaroroon ng magandang bunga ang ating pagpapagal. Palagi lamang nating tatandaan na palaging lakipan ng panalangin ang araw araw. Kaya mga katotong katulong sabay sabay nyong isigaw "Katulong Ako" at taas noong isipin katulong man ako ngayon aasenso rin sa tamang panahon.





Orihinal na Komposisyon ni: Melchor "jhaz" "vollmer" Delos Reyes Escultura.

2 comments:

  1. Npakagandang sanaysay pra s mga kbabayan nting ofw.n wag msyadong mliitin ang ating kapwa hindi ngunit isang ktulong s ibng bnsa mliit n ang pagkatao.ang trabahong ito ay mrangal at salamat ky mr.jhazz.at ipinahihiwatig n hindi madaling maging katulong s ibang bansa swertehan lng kung magkaamo k n mabait.kya isa aq s sisigaw ng taas noo ISA AQNG KATULONG!!!!

    ReplyDelete
  2. Isang mataas na pagpugay sa mga OFW na ngtitiis sa ibang bansa. Minsan naiisip ko na malaki ang pangangailangan nila para lunukin ang pride at tanggapin ang kahihiyan pero ang totoo mas malaki ang pangangailangan ng mga taong pinagsisilbihan nila. Isipin niyo ang mundo kung wala ng pilipinong mamamasukang katulong. Isa tayo sa mga hinahanap ng mga dayuhan dahil tayo ay ngtatrabaho ng ng may puso.

    ReplyDelete